Wednesday, July 8, 2009

KAPIRASONG PAPEL

Isang kapirasong papel na binasa niyong luha,
Kaya’t wala ng mabasa kahit isa mang talata,
Ang papel ay walang saysay kung binura ng tadhana,
Gayundin ang kaibigang sakit lang ang ipinunla.

Ang ka’ybigan kung totoo’y tinanggap kang buong-buo,
Ika’y hindi susumbatan, ni hindi ka tinutudyo,
Ang ka’ybigan kung dakila at busilak yaong puso,
Ay hindi ka sukat saktan pagkat puso’y magdurugo.

Ang ka’ybigan itaboy mo’t yayakap ng anong higpit,
Dahil di ka kayang iwan pagkat ika’y iniibig,
Ang ka’ybiga’y gamu-gamong sa ilawan ay liligid,
Masunog man yaong pakpak para sayo’y magtitiis.

Kung ikaw man ay malapit sa diliryo at panganib,
Nariyan ang kaibigang karamay mo bawat saglit,
Ang ka’ybigan kung matapat at tunay ang ninanais,
Ay hindi ka iiwanan, ni hindi ka pagpapalit.

Ang ka’ybigan kapag lilo at ang puso’y mapagtaksil,
Ay huwad na kaibigan at madali kung limutin,
Ngunit kung ang kaibigan ay may pusong mahabagin,
Limutin ma’y di malimot pagkat yamang aariin.

Ang tunay na kaibiga’y hindi lamang sa salita,
Ito’y sa puso’t isipan sa tuwina’y mapipita,
Kung ang pagkakaibigan ay dalisay na talaga,
Maging luha ay nunukal dahil puspos ng ligaya.

1 comment:

  1. grabe aman. oo tma k n ang kybgan ay d dpat nang iiwan. but come to think of it, tao p dn cla. ndi prating naryan. ngkkamali 2lad ng iba at xempre ndi perpekto. kya kylangan nating maintndhan... n khit matalik n kybgan muh p yan, mai mga pgkkataon p ding, pwede xang mgkulang.
    ~`~,
    besides.. isa lang s buong universe ang ndi k kyang iwan. nsayu n un qng plagi muh Siyang ttalikuran.
    clue: JC ang initials. hehe..

    ReplyDelete